Tutol si dating Congressman Neri Colmenares na taasan ang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS o Social Security System.
Sa panayam ng programang “Karambola”, sinabi ni Colmenares na nais niyang kuwestyunin kung karapat-dapat ba na itaas sa 1.5 porsyento ang kontribusyon ng bawat SSS members upang matustusan ang P1,000 dagdag pensyon ng mga retiradong miyembro nito.
Kailangan aniyang may repormang ipatupad sa tanggapan bago ipatupad ang pagdaragdag sa kontribusyon.
Ayon kay Colmenares, dapat ayusin ng SSS ang kanilang collection rate efficiency, bawasan ang operating costs at bawasan ang malalaking bonus ng mga opisyal at kawani ng ahensya.
“For the meantime, mag-reform muna kayo, ayusin ang collection rate efficiency, ayusin ang mga investment na palpak, tapos bawasan ang ang operating cost at dambuhalang bonuses, and then in 2 to 3 years i-reform niyo, kung kailangan niyo pa ng pera mag-usap tayo sa contribution but by that time baka hindi na siya 1.5 percent increase, baka 0.5 percent na lang o baka hindi na kailangan.” Pahayag ni Colmenares.
By Meann Tanbio | Karambola