Umaasa ang Malakanyang na magkakaroon ng positibong resulta ang pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) hinggil sa paggamit ng convalescent blood plasma.
Ito ay upang makatulong sa mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19) para mabilis ang kanilang paggaling mula sa sakit.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ikinalugod ng Malakanyang na nagsimula na ang nabanggit na pag-aaral ng DOST sa convalescent plasma mula sa mga gumaling na COVID-19 patients.
Sinabi ni Roque, umaasa sila na magsilbing kontribusyon ng Pilipinas ang nabanggit na pag-aaral sa mga ginagawang pagsisikap ng buong mundo para makahanap ng lunas laban sa COVID-19.
Kamakailan, inanunsyo ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña ang pagsisimula na ng pag-aaral sa convalescent plasma ng University of the Philippines–Philippine General Ospital na pinondohan ng ahensiya.