Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na ginagawa lang nito ang kanilang mandato na ipatupad ang mga nararapat na reglamento partikular na sa mga usaping may kinalaman sa Halalan 2022.
Ito ang binigyang diin ng PNP kasunod na rin ng nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga Pulis-Abra at ng armadong kalalakihan na sinasabing tauhan umano ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Disono.
Ayon kay Cordillera Regional Police Director, P/BGen. Ronald Oliver Lee, sa halip na huminto sa nakalatag na checkpoint ng Pulisya sa Brgy. Poblacion, hinarurot ang sasakyan ng ni Disono, binangga ang Police mobile at pinaputukan pa ang mga Pulis na nagbabantay duon.
Kaya naman napilitang gumanti ng putok ang mga Pulis na nagresulta sa habulan hanggang sa kinordonan ang bahay ng Bise Alkalde para arestuhin ang pasaway na driver ng SUV.
Batay naman sa impormasyon mula kay PNP Spokesperson, P/Col. Jean Fajardo, nakapasok na ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives o SOCO para imbestigahan ang SUV subalit hindi pa malinaw kung naaresto na ang driver nito. – ulat mul kay Jaymark Dagala (Patrol 9)