Coronary heart disease pa rin ang nangunguna sa listahan ng mga dahilan ng pagkasawi ng mga pilipino na naitala mula Enero hanggang Setyembre 2021.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 91,152 kaso ng ischemic heart diseases o katumbas ng 18.5% ng total deaths sa bansa.
Sinundan naman ito ng cerebrovascular disease kung saan naitala ang 49,063 deaths at pumangatlo naman sa listahan ang neoplasms o cancer kung saan naitala ang 42,633.
Pang-apat naman ang COVID-19 sa listahan ng mga pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy kung saan noong 2020 ay nasa pang-16 lamang ito.
Sa unang siyam na buwan, nasa 34,361 ang naitalang nasawi sa COVID o katumbas ng 7.0% ng kabuuang bilang ng mga namatay na Pilipino.
Pang-lima naman sa listahan ang diabetes, sinundan ng hypertensive diseases, pneumonia, COVID-related conditions, iba pang sakit sa puso at chronic lower respiratory diseases.
Nilinaw naman ng PSA na ang kanilang mga datos ay maaaring may kaibahan sa record ng Department of Health (DOH), lalo’t hindi kasama sa kanilang bilang ang mga Pinoy na nasawi sa labas ng bansa.