Pumapalo na sa siyam (9) ang death toll sa China dahil sa bagong strain ng Coronavirus.
Bukod ito, ayon sa Chinese National Health Commission, sa 440 bilang ng mga naapektuhan ng nasabing sakit .
Ang nasabing sakit ay na kumalat na sa ibang bahagi ng China mula sa Wuhan City kung saan naitala ang unang kaso nito.
Samantala, nagpositibo sa bagong strain ng Coronavirus na galing sa Wuhan City sa China –ang isang lalaki sa Washington, USA.
Ipinabatid ng State Health officials sa Washington na stable na ang kondisyon ng 30-anyos na lalaki bagamat nakaconfine pa sa Providence Regional Medical Center sa Everett, Washington.
Sinabi ng Health officials na noong nakalipas na linggo lamang bumalik ng Amerika ang lalaki mula sa Wuhan City at nagsimulang sumama ang pakiramdam nito nang dumating sa Seattle.
Agad namang kinunan ng sample ang lalaki at ipinadala sa Center for Diseases Control and Prevention (CDC) at nakumpirmang positibo ito sa Coronavirus na tumama sa halos 300 tao sa China at iba pang bansa sa Asya.
Dahil dito, tiniyak ng CDC na higit pang palalawigin ang mahigpit na screening sa mga paliparan sa Amerika.
Isang babaeng residente naman ng Wuhan City ang nagpositibo rin sa bagong strain ng Coronavirus nang umuwi ng Taiwan.
Nakita sa babae ang mga sintomas ng lagnat, ubo at pananakit ng lalamunan nang dumating ito sa Taoyuan Airport kaya’t isinugod kaagad sa ospital para masuri.
Nagpositibo sa SARS-like Coronavirus ang pasyente kaya’t mahigpit nang binabantayan ng mga otoridad sa Taiwan ang halos 50 pasahero na nakasabay ng babae sa eroplano.