Nakatakda ring patawan ng dagdag buwis ang pagpaparetoke o cosmetic surgery maging ang premyo sa ilalim ng panukalang tax reform ng Senado bukod pa sa isinusulong na additional excise tax sa krudo, matatamis na inumin at sasakyan.
Sa Senate version ng tax reform bill, dagdag na 20 percent tax ang ipapataw sa pagpapa-nose lift, bust lift at iba pang paraan ng pagpaparetoke kung ang pakay lamang ay pagpapaganda at hindi dahil sa sakit, aksidente o birth defect.
Sakaling aprubahan, magiging 36,000 pesos na ang halaga ng nose lift.
Samantala, kabilang din sa tax reform bill ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang 20 percent tax sa premyo sa Lotto na 200,000 pesos pataas.
Kung maaprubahan, bubuwisan ng dalawang milyong piso kung mananalo ng sampung milyong piso sa Lotto.
Samantala, pagdedebatehan pa ang panukala sa at isasalang sa bicameral conference committee bago isumite sa Malacañang upang aprubahan ng Pangulo.
Panukalang dagdag buwis sa cosmetic surgery kinontra ng mga cosmetic surgeon
Samantala, kinontra ng mga cosmetic surgeon ang panukalang dagdag buwis sa pagpapa-retoke na nakasaad sa bersyon ng panukalang tax reform ng Senado.
Ayon kay Dr. Joven Cruz, dating pangulo ng Philippine Association of Plastic, Reconstructive, and Aesthetic Surgeons, hindi naman lahat ng kanilang kliyente ay mayaman.
Hindi anya patas ang nabanggit na panukala lalo’t pawang Overseas Filipino Workers anya ang mga nagpapa-retoke na karamiha’y babae.
Nangangamba naman si Cruz na posibleng magtipid ang pasyente at pumunta sa hindi lisensiyadong surgeon dahilan upang malagay sa peligro ang kanilang kalusugan.
—-