Pormal nang nasa ilalim ng pamumuno ng Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao (BARMM) ang Cotabato City, halos dalawang taon matapos ang ginanap na plebisito dito.
Sa ipinalabas na pahayag ni BARMM Chief Minister Ahod “Al-Haj Murad” Ebrahim, malugod niyang tinatanggap ang Cotabato City sa rehiyon.
Ayon kay Ebrahim, kanilang ipinapangako na mas patataasin ang kalidad ng mga serbisyo sa Cotabato City upang mas mapalakas pa ang potensyal nito bilang administrative capital.
Pagtitiyak ni Ebrahim, masasalamin sa lungsod ang anumang matatamasang kaunlaran sa buong BARMM.
Ginanap kahapon ang ceremonial turn over ng Cotabato City at 63 pang barangay ng North Cotabato sa BARMM na dinaluhan naman nina Interior Secretary Eduardo Año, National Defense Secretary Delfin Lorenzana at PNP Chief General Debold Sinas.