Naninindigan si Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi na huwag i-turn over ang lungsod sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito, ayon kay Sayadi, ay hanggang walang naipapasa pang mga mahahalagang batas sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Sinabi ni Sayadi na dapat munang mag-usap sina BARMM Interim Chief Minister Al Hadj Murad Ebrahim at kaniyang mga abogado hinggil sa pahayag ng BARMM official na kailangang mai-turn over ang lungsod sa BARMM sa katapusan ng buwang ito.
Binigyang diin ni Sayadi na nais muna niyang maipasa ng BTA ang mga mahahalagang batas tulad ng loval government code, administrative code, kawalan ng magna carta for workers, teachers, health workers, social workers at tripartite wage ng dating ARMM na masyado aniyang mababa kumpara sa Region 12.
Nilinaw naman ni Murad na susundin nila ang batas at iginagalang ang komento ni Sayadi na nakabinbin pa sa Korte Suprema ang isinampang petisyon hinggil sa pagkuwestyon sa pagkakapanalo ng ‘yes’ vote sa Bangsamoro Organic Law sa isinagawang plebisito noong January 2019.