Itinuro ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang isang court administrator na nasa likod aniya ng mga panawagan ng kanyang pagbibitiw sa puwesto.
Ayon sa ulat, inihayag ito ni Sereno nang nag-courtesy call siya kay University of Negros Occidental – Recoletos President Father Eduardo Celiz Jr.
Ayon kay Sereno kanyang ikinalulungkot na tinatawagan ng nasabing court administrator ang iba’t ibang tao para himuking sumama sa mga panawagan ng kanyang pagre-resign.
Gayunman hindi na tinukoy pa ni Sereno ang pagkakakilanlan ng nasabing opisyal.
Mababatid na ang kasalukuyang court administrator ng Korte Suprema ay si Midas Marquez na humarap at tumestigo na rin laban kay Sereno sa pagdinig ng Kamara de Representantes sa impeachment complaint laban sa Punong Mahistrado.
Samantala, sa kanyang naging talumpati sa harap ng mga estudyante ng University of Negros Occidental – Recoletos, iginiit ni Sereno na walang sapat na dahilan ang mga panawagan sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.
—-