Posibleng maglabas na ngayon ng desisyon ang Makati RTC Branch 148 kung ipaaaresto o hindi si Senador Antonio Trillanes IV.
Dahil dito, nagpadala na ng contingent ang Philippine National Police (PNP) sa Makati RTC upang tiyakin ang kapayapaan sakaling may sumiklab na protesta, anuman ang maging pasya ng hukuman.
Hindi armado ang mga miyembro ng Civil Disturbance Management Team ng PNP na nagbabantay ngayon sa Makati RTC Branch 148.
Una nang ipinaaresto ng Branch 150 si Trillanes sa kasong rebelyon subalit pansamantala itong nakalaya matapos magpiyansa ng dalawandaang libong piso (P200,000).
Kudeta naman ang kaso nito sa Branch 148 at walang rekomendadong piyansa para sa kasong ito.
Ang pagbuhay sa mga kaso ni Trillanes bilang rebeldeng sundalo ay nag-ugat sa pagpapawalang-bisa ng Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya na ibinigay sa kanya ng nagdaang administrasyon.
—-