Nagpahayag ng suporta si Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa panawagan ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr., sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na magpasa ng courtesy resignations.
Sa ginawang inspeksyon ni Pang. Marcos kahapon sa Ninoy Aquino International Airport, ibinunyag nito na matagal nang pinaplano ng kaniyang administrasyon ang gawain bilang bagong approach para labanan ang iligal na droga.
Sinabi na umano ito ng pangulo noong nangangampanya pa lang kung saan tinanong siya kung ano ang gagawin niya para sa problema ng bansa sa iligal na droga.
Binanggit naman ni Marcos ang pangangailangang suriin kung mayroon nga bang kasabwat sa hanay ng PNP, lalo’t kailangang matiyak ang paglilinis ng mabuti sa ahensiya.
Samantala, sinabi pa ni PBBM na posibleng maharap sa mabigat na kaso ang mga opisyal na mayroong pananagutan, habang ang mga opisyal na malilinis ay ibabalik.