Ipatutupad na simula ngayong araw ang scheduling system o appointment system sa vaccination sa Maynila kaya’t ipinagbabawal na ang walk-in sa mga vaccination site sa lungsod.
Binigyang diin ng Manila Public Information Office na kailangang hintayin muna ng mga residente ang text message mula sa Manila Covax na nagsasabi kung saan at anong oras ang vaccination slot nito bago pumunta sa mga vaccination site para magpa-bakuna.
Nilinaw ng Manila PIO na hindi uubrang screenshot ng text message lamang ang ipakikita sa vaccination site at kung nabura na ang mensahe, kailangang maghintay ng susunod na schedule.
Una nang inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsuspindi sa appointment system dahil sa kakulangan ng bakuna.
Inaasahang 28,000 Manilenyo ang mababakunahan ngayong araw sa apat na malls sa Maynila na may tig-2,500 doses at 18 community sites sa ibat-ibang paaralan na mayroong tig-1,000 doses.