Nabunyag ang tangkang cover-up ng aegis juris fraternity sa pagkamatay ni University of Santo Tomas o UST law student Horacio “Atio” Castillo lll sa hazing.
Iprinisinta sa hearing ng Senate Public Order Committee ang palitan ng chat messages ng mga abogado at law students na miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Ayon kina Senador Migz Zubiri at Chief Superintendent Joel Coronel ng Manila Police District (MPD) Command, makikita sa mga pag-uusap ang pagtatangkang pagtakpan at imanipula ang mga ebidensyang magdidiin sa kanilang mga ka-brod sa pagkamatay ni Castillo sa hazing.
Sinabi sa Senado ni Coronel na labing siyam (19) sa mga personalidad na kasama sa palitan ng chat messages ang nagkita pa sa Novotel para pag-usapan ang kaso ni castillo.
Ayon kay Coronel, bagamat may mangilan-ngilan na nagsasabing dapat harapin ng mga sangkot ang imbestigasyon, mas namayani aniya ang mga gustong pagtakpan na lamang ang pagkamatay ni Castillo dahil baka makasira ito sa kinabukasan ng mga sangkot na law students.
Ilan sa mga personalidad na kasama sa palitan ng chat messages ay dumalo din sa hearing ng senado.