Hindi malayong sumirit sa 269,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa katapusan ng Setyembre. Batay sa projections ng Department of Health.
Ayon kay DOH undersecretary Maria Rosario Vergeire, posible namang umabot sa 66,000 ang active cases sa Metro Manila sa katapusan naman ng Agosto.
Gayunman, itinanggi ni Vergeire na mayroong “disconnect” sa pagitan ng lumolobong bilang ng kaso sa pasya ng gobyerno na i-downgrade ang quarantine classification sa NCR sa MECQ mula sa ECQ.
Hindi naman aniya nagluwag ng restrictions at sa katunayan ay sarado pa rin ang non-essential establishments at tanging mga essential sector lamang ang pinapayagan mag-operate.
Bagaman idineklara ang MECQ, binigyang-diin ng DOH Official ang pagtutok ng mga local government unit sa pagpapatupad ng granular lockdowns kung kailangan.
Nilinaw naman ni Vergeire na maaari pa namang bumaba ang bilang ng kaso sa pamamagitan ng pagpapaigting ng vaccination, case detection, isolation at pagsunod sa minimum health at safety protocols.—sa panulat Drew Nacino