Puno na rin ang kapasidad ng The Medical City para sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Apela ng pamunuan ng naturang ospital sa publiko, pansamantala na munang dalhin sa ibang ospital ang mga malulubhang kaso ng COVID-19.
Hindi aniya nila kayang makipagsapalaran at lumampas pa sa kanilang kapasidad sa pangangalaga ng mga pasyente ng COVID-19 dahil sa posibleng panganib na idudulot nito sa lahat.
Samantala, nagpahayag din ng kaparehong sitwasyon ang Lung Center of the Philippines (LCP).
Nasa ‘full capacity’ na umano ang isolation rooms maging ang intensive care units ng ospital dahil sa mga kaso ng nakahahawang virus.
Ayon sa tagapagsalita ng LCP na si Dr. Norberto Francisco, puno na ang kapasidad ng ospital para sa mga critical COVID-19 cases, ngunit kakayanin pa aniya nilang tumanggap ng mga moderate cases.
Magugunita namang hiniling ni Health secretary Francisco Duque III sa mga pribadong ospital na maglaan ng 30% ng kanilang bed capacity para sa COVID-19 cases makaraang mapag-alaman na ang ilang mga pasilidad ay naglalaan lamang ng 20% para sa mga ito, habang ang mga pampublikong ospital naman ay maaaring magdagdag hanggang 50% para sa kanilang COVID-19 bed allocation.