Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lokal na opisyal na suportahan ang COVID-19 booster campaign ng pamahalaan upang ligtas na maipagpatuloy ang in-person classes at ganap na muling magbukas ang ekonomiya.
Sa isang virtual message, sinabi ni Marcos na umaasa siyang magiging bahagi ng pagsisikap ng gobyerno ang mga local offical para maibalik sa normal ang ekonomiya.
Binigyang-diin pa niya ang kahalagahan ng face-to-face classes para sa mga estudyante kaya’t umaapela ito na gawin ang booster rollout upang matiyak na wala nang ipatutupad na lockdown at para maiwasan din ang pagkalat ng Omicron at iba pang variant.
Hinimok naman ng Punong Ehekutibo ang LGU officials na tulungan ang mga ahensya na gayahin ang massive COVID-19 vaccine rollout na isinagawa noong nakaraang taon.
Samantala, kasalukuyan pa ring naka-isolate ang Pangulo matapos na magpositibo sa COVID-19.