Nadagdagan pa ang bilang ng kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan ng Batangas.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng provincial government ng lalawigan ngayong Sabado, March 14, ang bagong kaso ng virus dahilan para umakyat na sa tatlo ang bilang nito.
Batay sa Batangas Public Information Office (PIO), nagmula sa bayan ng Lemery ang ikatlong pasyente at kasalukuyang naka-confine sa Mary Mediatrix Medical Center.
BREAKING: Kaso ng COVID-19 sa Batangas, sumampa na sa 3 —Batangas Public Information Office. https://t.co/HHOy7zaafm pic.twitter.com/N7gFDAmHLv
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 14, 2020
Sa ngayon ay bineberipika pa ng Batangas PIO ang iba pang detalye ng pasyente gaya ng kasarian at edad nito.
Magugunita namang ang dalawang nauna nang kaso ng COVID-19 sa Batangas ay mula sa Batangas City at ngayon ay naka-confine na sa isang pribadong ospital sa Metro Manila.
Samantala, hindi pa malinaw kung kabilang na ang bagong kaso sa batangas sa kabuuang 64 na kumpirmadong COVID-19 case sa bansa.