Posibleng pumalo pa sa mahigit 7,000 ang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa sa mga susunod na araw.
Babala ito ng Philippine College of Physicians (PCP) matapos pumalo sa halos 7,000 ang itinuturing na all-time high record ng mga bagong kaso ng naturang virus kahapon.
Ayon kay Dr. Mario Panaligan, pangulo ng PCP, malaking epekto sa kabuuang kaso ng COVID-19 ang backlogs at incubation period ng nasabing virus.
Mahirap aniyang sabihing nangangalahati na ang kaso dahil hindi pa naman nakikita ang totoong epekto nang pagsailalim muli ng Metro Manila at iba pang karatig lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sinabi ni Panaligan na tatagal pa ng ilang linggo bago tuluyang makita talaga ang epekto ng MECQ at kahit aniya sabihing hindi na iiral ang community quarantine, kung pabaya naman ang lahat, hindi malayong bumalik ang dami ng mga nagkakasakit.
Binigyang diin ni Panaligan ang kahalagahan ng masusing koordinasyon sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno bagamat mayroong mga direktiba ang Department of Health ang hindi kaagad naipapatupad ng local government units.