Posibleng maabot ang panibagong “rurok” o peak ng arawang kaso ng COVID-19 sa bansa o sumampa sa 11k hanggang 17k kada araw sa katapusan ng buwan.
Ito’y kung patuloy na bababa ang bilang ng sumusunod sa health protocols, mananatili ang lebel ng mobility at mababang bilang ng nagpapa-booster kasabay ng tumataas ding kaso ng Dengue.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa kanilang projections ay pinaka-mababa na ang 1,800 cases per day at maaaring maramdaman ang peak sa ikatlong linggo ng Hulyo.
Gayunman, wala pa naman itong katiyakan at maaari pang magbago depende sa pagtalima ng publiko sa minimum public health standard at pagpapanatili ng kasalukuyang mobility patterns.
Mahalaga anyang mapataas muli ang immunity ng publiko laban sa nakamamatay na virus, lalo’t bumababa ang bisa ng mga itinuturok na bakuna habang tumatagal.