Pumapalo na sa 56,259 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ay matapos makapagtala ng 2,124 na bagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH).
Sa mga nadagdag na kaso 1,690 ang fresh cases at 434 ang late cases.
Umakyat na sa 1,534 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 matapos madagdag ang 162 mga bagong nasawi.
Sinabi ng DOH na sa nadagdag na nasawi 51 ay namatay ngayong Hulyo habang ang iba ay late na report at pawang mga nasawi noong Abril hanggang Hunyo.
Nakapagtala naman ng 2,009 na bagong recoveries kaya’t nasa 16,046 na ang kabuuang gumaling sa nasabing sakit.
Ipinabatid ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang mataas na bilang ng kaso, nasawi at recoveries ay dahil sa reconciliation efforts ng DOH katuwang ang local government units.
Asahan na aniya sa mga susunod na araw ang pagkakaroon ng mataas na kaso ng COVID-19 dahil sa mabilis na pag-uulat ng datos.