Posibleng lumobo ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ngayong darating na kapaskuhan kung magiging kumpyansa at hindi mag-iingat ang bawat-isa.
Ayon kay Dr. Tony Leachon, isang health expert, ito’y dahil bahagyang tumaas ang reproduction rate ng virus batay sa inilabas na datos ng UP OCTA Research.
Isa sa mga itinuturong dahilan, ang nagdaang mga bagyo na dahilan para lumikas sa mga evacuation center ang ilan sa ating mga kababayan.
Kung saan, hindi nasunod ang umiiral na safety protocols gaya ng physical distancing.
Ang nakikita ko po d’yan, magse-surge po tayo, in fact ‘yung latest data ng UP OCTA Research group, tumataas uli ‘yung reproduction number natin, e, ngayon inamin din ng Department of Health, ‘yung typhoons, ‘yung evacuation center, ay nagdulot sya ng social mobility at hindi rin sila nakapag-social distancing,” ani Leachon
Bukod pa rito, ani Leachon, isa rin sa pupwedeng maging dahilan sa paglobo ng virus ang paglabas-labas ng publiko ngayong kapaskuhan gaya ng pamimili sa tiangge, pagsasagawa ng social gatherings.
Kung kaya’t payo nito sa publiko, umiwas muna sa panandaliang saya gaya ng pag-paparty, dahil nariyan pa rin ang banta ng virus.
Kasunod nito, binigyang diin ni Leachon na wala nang bubuti pa sa pagsunod sa mga itinakdang safety health protocols.
Mahusay na tayo sa wearing of facemask at face shield, nakikita niyo naman may social distancing, ‘yan ang sisira sa atin, ‘yan pa naman ang pinaka-effective na measure,” ani Leachon. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882