Pinangangambahang umabot sa 530,00 hanggang 540,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng buwan.
Ito ang babala ng OCTA research group sa oras na magpatuloy ang pagkalat ng bagong COVID-19 variant sa bansa.
Ayon kay Guido David mula sa OCTA research, inaasahan ang mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa kapag ito’y nagsimulang kumalat na lalo’t sinasabing mabilis makahawa ang bagong variant.
Sinabi pa ng OCTA na posibleng matagal nang pumasok sa bansa ang bagong variant ngunit hindi lang ito agad na-detect.
Gayunman sinabi ng OCTA na hindi naman ito dapat ikapangamba dahil maliban sa mabilis lamang makahawa, parehas lang umano ito ng epekto sa kalusugan gaya ng naunang strain ng COVID-19.
Nitong mga nakalipas na linggo ay nakitaan ng pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 na posibleng epekto ng nakalipas na holiday season.