Lumampas na 83,000 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH) sumipa na sa 83,673 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 matapos madagdag ang 1,678 bagong kaso ng nasabing virus.
Ito na ang sunud sunod na ika-14 na araw na nakapagtala ng mahigit 1,300 bagong kaso sa loob lamang ng isang araw.
Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng pinakamataas na confirmed COVID-19 cases ang Metro Manila – 698, Laguna – 218, Cebu – 100, Cavite – 87 at Davao Del Sur – 33.
Pumapalo naman sa 26,617 ang total recoveries matapos maitala ang 173 mga bagong gumaling sa naturang sakit.
Nasa 1,947 death toll sa COVID-19 matapos madagdag ang 4 na nasawi rito.
Umakyat naman sa 55,109 ang active cases na sumasailalim sa gamutan o naka-quarantine.
Ang Pilipinas ay nananatili bilang ikalawang bansa sa Southeast Asia na nakapagtala ng pinakamataas na kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan nangunguna ang Indonesia na mayruong mahigit 100,000 kaso na at ikatlo naman ang Singapore na nasa halos 51,000 ang active cases.