Pumapalo na sa mahigit 19.8-milyon ang kabuuang bilang ng naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) mula sa 196 na mga bansa at teritoryo sa buong mundo.
Ito ay matapos makapagtala ng mahigit 200,000 bagong kaso sa loob ng 24-oras.
Batay sa pinakahuling talaan, mahigit 731,000 sa naturang na bilang ang nasawi sa COVID-19 magmula nang mag-umpisa ang outbreak sa China noong Disyembre.
Umaabot naman sa halos 12-milyon ang itinuturing nang nakarekober o gumaling mula sa sakit.
Nananatili naman ang Amerika bilang bansang pinakamatinding tinamaan ng sakit kung saan halos 163 na ang nasawi mula sa mahigit 5-milyong naitatala nilang kaso ng COVID-19.
Pumapangalawa naman ang Brazil na mayroong higit 3-milyong COVID-19 cases at mahigit 101,000 death toll.
Sinusundan ito ng Mexico na umaabot na sa mahigit 52,000 ang nasawi mula sa naitalang mahigit 480,000 kaso.