Naitala ng lalawigan ng Cavite ang highest-single day increase o pagtaas ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, karagdagang 25 pa ang naitalang kaso ng nakamamatay na virus sa lalawigan nito.
Ito na ang itinuturing na pinakamataas na bilang ng karagdagang kaso sa nakalipas na 15 linggo.
Dagdag pa ni Remulla, patuloy na nagsasagawa ang Cavite ng targeted testing sa mga frontline workers at sa 13 mga pulis na nagpositibo sa nakamamatay na virus.
Sa kaparehong pahayag ni Remulla, sinabi rin nito na nasa higit 2,000 na ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang nakauwi na sa kanilang lalawigan.
Samantala, nanawagan si Cavite Governor Remulla sa kanyang mga nasasakupan na patuloy na sumunod sa health at quarantine protocols na ipinatutupad kontra COVID-19.