Patuloy ang paghimok ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Debold Sinas sa kaniyang mga tauhan na sumailalim sa vaccination program ng pamahalaan kontra COVID-19.
Ito’y kasunod ng tumataas na bilang ng mga aktibong kaso ng virus sa kanilang hanay na nasa 470 na.
Batay sa datos ng PNP health service, nakapagtala sila ng 42 na bagong kaso kaya’t umakyat na sa 11,218 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.
31 ang naitala sa iba’t ibang regional office kung saan ay nangunguna pa rina ng NCRPO, 9 naman ang naitala sa national operation support unit habang 2 ang naitala naman sa national headquarters sa Kampo Crame.
Gayunman, nakapagtala ang PNP ng 32 na bagong gumaling sa sakit kaya’t umakyat na sa 10,717 ang kabuuang bilang ng kanilang recoveries habang nananatili naman sa 31 ang bilang ng mga nasawi. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)