Bumaba ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Quezon City nang ipatupad ang dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa NRC Plus.
Ayon ito kay Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos maging stable ang COVID-19 cases sa lungsod.
Nakakaalarma aniya ang huling bahagi ng Marso kung kailan sumirit ang kaso ng COVID-19 sa Quezon City na umabot na sa 7,500 subalit naging kapansin-pansin ang pagbaba ng kaso nang pairalin ang ECQ mula ika-29 ng Marso hanggang ika-11 ng Abril.
Sinabi ni Belmonte na nagkaroon na ng downward trend at ang dating 1,100 na daily cases ay naging 924 na lang.
Gayunman, ipinaalala ni Belmonte sa mga residente na hindi dapat maging kampante sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ang Quezon City ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.