Isa umanong patunay na minamaliit lamang ng gobyerno ang problemang dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ang reaksyon ng Makabayan bloc sa Kamara matapos mabunyag ang pagkabulilyaso ng maaga sanang pagdating ng 10 milyong doses ng Pfizer vaccine sa bansa.
Ayon kay Bayan Muna Party-List Representative Carlos Zarate, ang nangyayari ngayong kontrobersiya sa acquisition o procurement ng bakuna
Ay sumasalamin sa kung paano minamaliit ng kasalukuyang administrasyon ang problemang kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, naungkat ni Zarate ang tila pambabalewala din ng gobyerno nuong simula pa lamang sa mga panawagan na magpatupad na agad ng lockdown upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Giit ni Zarate, nuon pa lamang namatay ang isang Chinese national na nasa bansa dahil sa COVID-19 na siyang kauna-unahang naitalang pagkasawi dahil sa nakahahawang sakit, dapat ay ikinabahala na ito ng gobyerno dahilan para agad na magpatupad ng mga hakbang gaya ng lockdown, ngunit hindi aniya ito nangyari.
Sa halip ay minaliit ng gobyerno ang pagdedeklara ng health emergency na nakatulong sana para maagang nakabili ng mga personal protective equipment at iba pang mga pangangailangan.
At nang lumala aniya ang sitwasyon, militaristang solusyon ang kanilang naging tugon.