Umapela ang Malakanyang sa mga senior citizens at iba pang kabilang sa tinatawag na vulnerable groups na manatili na lamang sa loob ng bahay.
Kasunod ito ng napunang pagtaas sa bilang ng mga kritikal na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, naabot na ng bansa ang 3% mark para sa critical COVID-19 case batay sa tala ng Department of Health (DOH) noong September 23.
Habang 86.5% aniya ang mild, 9.2% ang asymptomatic at 1.3% ang severe sa mahigit 58,000 naitalang active case sa naturang araw.
Una na ring sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo “Bong” Vega na kanilang mahigpit na mino-monitor ang nakitang dalawang porsyentong pagtaas sa critical case sa COVID-19 sa mga nakalipas na araw.
Gayunman, hindi pa nila ito ikinakaalarma sa ngayon dahil nananatiling sapat ang health care system sa bansa.
Batay sa mga umiiral na community quarantine, mahigpit na hinihimok ang mga senior citizens, may edad 21 pababa, buntis at mga may immunodeficiency, comorbidity at ibang banta sa kalusugan na manatili lamang sa mga bahay.