Nadagdagan na naman ang bilang ng mga nasawi dulot ng COVID 19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) na ngayo’y nasa 71 na.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, ang nasawi ay isang 47 anyos na Pulis na may rangkong Staff Master Sergeant at nakatalaga sa Lupon Municipal Police Station sa Davao Oriental.
Nasawi ang nasabing Pulis noong mismong araw ng Kalayaan noong Hunyo a-12 matapos itong mahirapang huminga sa pagamutan .
Dagdag pa ng PNP Chief, hindi pa nababakunahan ng COVID 19 vaccine ang nasawing Pulis sublit wala naman itong iba pang karamdaman tulad ng pneumonia at trangkaso.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang PNP Chief sa pamilya ng nasawing Pulis at tiniyak rito ang pagaabot ng karampatang tulong para sa kanila.
Sa kasalukuyan, may 164 na bagong kaso ng COVID 19 ang naitala sa hanay ng PNP kaya’t pumalo na ito sa 25,866 kung saan ay nasa 1,865 dito ang aktibong kaso.
Nadagdagan din ng 89 ang bilang ng mga gumaling sa sakit kaya’t umakyat naman na sa 23,930 ang total recoveries sa COVID-19 sa hanay ng Pambansang Pulisya. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)