Kasabay ng pagbabalik ng NCR sa enhanced community quarantine, kinumpirma ng Department of Health na na-detect na sa lahat ng lungsod at bayan sa Metro Manila ang mas nakahahawang COVID-19 delta variant.
Ayon kay health undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire, 83 kaso sa 116 na bagong kaso ng delta variant cases ay nagmula sa NCR.
Kabilang sa mga may pinaka-maraming naitala ang mga lungsod ng Las Piñas, 23; Pasig, 21; Maynila, 16 at Malabon, 12 cases.
Kasalukuyan aniyang nasa critical risk classification ang Malabon at Pateros na may dalawang linggong high-risk growth rate at average daily attack rate o ADAR.
Nasa high-risk ADAR ang lahat ng lugar sa Metro Manila maliban sa Caloocan City at Marikina City.
Samantala, tinaya naman sa 33% hanggang 68% ang healthcare utilization sa mga lungsod sa NCR.—sa panulat ni Drew Nacino