Ilulunsad ngayong araw ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang drive-thru testing center para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang itatayong drive-thru testing ay bubuksan aniya sa tapat ng Andres Bonifacio Monument.
Bukas naman ang naturang testing center mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Paliwanag ni Moreno, kukuha ng blood samples ang mga kawani ng Manila Health Department (MHD) sa mga magpapasuri sa drive-thru, at kanila itong ipoproseso sa mga COVID-19 serology testing machines.
Magugunitang nitong mga nakaraang araw ay bumili ng mga COVID-19 testing machines ang pamahalaang lungsod ng Maynila, para makatulong sa pagpapataas ng testing capacity ng lungsod.
Samantala, pagdidiin ni Mayor Moreno, pwede ring dumaan sa drive-thru testing ang mga hindi taga-Maynila, habang ang mga wala namang sasakyan at hindi makadaraan dito, ire-refer naman ang mga ito sa mga sumusunod na pagamutan:
- Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center,
- Ospital ng Sampaloc,
- Ospital ng Maynila, at iba pa.