Kinumpirma ng Japanese Health Ministry na nakarating na sa kanilang bansa ang kinatatakutan at pinangangambahang vaccine-resistant COVID-19 Lambda variant.
Nadetect ang nasabing variant sa isang babaeng nasa edad 30 nang dumating ito sa Haneda airport sa Tokyo mula Peru noon pang Hulyo 20 o tatlong araw bago ang pagsisimula ng 2020 olympics.
Nagpositibo ang babae sa COVID-19 nang magsagawa ng quarantine check sa airport pero walang mga sintomas.
Nakumpirma lamang na Lambda variant sa isinagawang analysis ng National Institute of Infectious Diseases ng Japan.
Ang naturang variant na sinasabing mayroong mataas na fatality rate ay unang nadiskubre sa Peru noong Agosto ng isang taon at kasalukuyang kalat na sa South America.—sa panulat ni Drew Nacino