Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque City ang isinagawang coronavirus disease 2019 (COVID-19) mass testing sa mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa loob ng isang subdivision sa lungsod.
Sa ipinalabas na pahayag ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, kanyang itinanggi ang pagkakaugnay ng lokal na pamahalaan sa nabanggit na mass testing ng mga POGO workers sa loob ng BF Homes Club House.
Ayon sa alkalde, agad na ipinatigil ng Parañaque City Health Office ang aktibidad matapos na makarating sa kanila ang ulat at mabatid na walang kinauukulang permit ang nagsagawa ng mass testing.
Tiniyak din ni Olivarez na papanagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa mga umiiral na health protocols, mga batas at patakaran.
Una rito, ibinahagi sa social media ng isang residente ng subdivision ang mga larawan ng mahabang pila ng mga tao sa clubhouse para umano sa eksklusibong COVID-19 tests ng nasa 500 POGO workers.