Malayo pang matapos ang nararanasang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa iba’t ibang panig ng mundo —eksakto anim na buwan makaraang mapaulat ang unang mga kaso ng pneumonia sa China na kinalauna’y natukoy na dulot ng naturang virus.
Ito, ayon kay World Health Organization (WHO) director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus, ay bagaman nagkakaroon ng magandang pagbabago ang ilang mga bansa hinggil sa kanilang laban sa virus, ay bumibilis din ang pagkalat nito.
Lubha aniyang malaki na ang nawala sa mundo dahil sa COVID-19 ngunit hindi dapat mawala ang pag-asa.
Panahon aniya ito upang pagnilayan ang mga nagawa ng bawat bansa upang labanan ang naturang virus at gawin ng bawat isa ang lahat upang makapagligtas ng buhay.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 10-milyong ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo habang mahigit kalahating milyon na ang pumanaw dahil dito.