Patuloy na dumarami ang bilang ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients na naghihintay na ma-admit sa mga ospital sa Metro Manila.
Ito’y makaraang mag-anunsyo ang ilang ospital sa National Capital Region (NCR) na napupuno na ang alokasyong kama o bed capacity nila para sa mga pasyenteng dinapuan ng COVID-19.
Gaya na lamang sa Philippine General Hospital (PGH) kung saan sa 210 bed capacity nito na nakalaan para sa mga COVID-19 patient 205 na rito ang okupado.
Kaya naman 34 na confirmed patient at 24 na probable COVID-19 case ang nananatiling nasa waiting list ng pagamutan.
Ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng PGH, sa ngayon ay hindi na sila makatanggap ng referral dahil puno na at ang dami pang naghihintay na ma-admit sa emergency room.
Ang iba umanong nasa waiting list ay nasa holding area dahil ang iba rito ay nag walk-in, habang ang iba naman ay naghihintay ng tawag sa kani-kanilang bahay.
Samantala, aabot naman sa 50 hanggang 60 pasyente ang naghihintay na ma-admit sa Fe Del Mundo Medical Center.