Sinagip ng Philippine Red Cross ang isang nurse na COVID-19 positive matapos palayasin ng may-ari ng inuupahan niyang boarding house hanggang sa mapalaboy-laboy na lamang ito sa mga lansangan sa Makati at Pasay.
Ayon kay alyas “Gem” na customer care representative nurse ng isang health maintenance organization, sinabihan niya ang kanyang landlady na tinamaan siya ng virus noong nakaraang linggo.
Agad umano siyang pinaalis sa kanyang kuwarto noong sumunod na araw kaya’t napilitan siyang maghanap ng pansamantalang matutuluyan bago napadpad sa iba’t ibang lugar.
Pahayag ni PRC Welfare Services consultant Zenaida Beltejar, nanlumo at napaiyak siya nang makita at matagpuan nila si alyas “Gem” habang nakaupo sa gutter sa kahabaan ng Southville Makati kanto ng JP Rizal.
Samantala, binigyang diin ni Sen. Richard Gordon na isa lamang si alyas “Gem” sa mga health workers na biktima ng diskriminasyon at mahihinang polisiya ng mga lokal na pamahalaan.