Iniulat ng OCTA Research Group na tumaas ang naitalang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila at ilan pang mga lalawigan.
Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, umakyat sa 9.8% ang positivity rate sa NCR mula sa 8.3% na naitala noong Sabado.
Nakapagtala naman ng mas mataas sa 10% na positivity rate ang Antique na may 20.6%; sinundan ng Batangas, 10.7%; Cavite, 13.2%; Iloilo, 10.1%; Laguna, 17.3%; Pampanga, 15%; at Rizal na may 16.5%.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na sumailalim sa COVID-19 test.
Una nang sinabi ng Department of Health na tumaas sa 6.8% ang weekly COVID-19 positivity rate ng bansa, habang anim na rehiyon ang nagtala ng positivity rate na mahigit sa 5%.