Naobserbahan ng OCTA research team ang pagsirit ng COVID-19 positivity rate sa sampung lugar sa bansa, mula Hunyo a-25 hanggang Hunyo a-29.
Sa nasabing bilang, pito sa mga lugar ang nalampasan na ang 5% na benchmark ng World Health Organization (WHO), kung saan tinukoy ng OCTA na kabilang dito ang Cavite, Laguna, Pampanga, Metro Manila, Iloilo, Batangas at Benguet.
Maliban sa mga lugar na ito, tumaas rin ang positivity rate ng Bulacan, Cebu at Davao, ngunit mas mababa ito sa benchmark ng WHO.
Nitong Huwebes nang makapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 1,309 COVID-19 cases, na pinakamataas simula noong Pebrero a – 28.