Patuloy na tumataas ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) at ilang lalawigan sa bansa.
Ayon kay OCTA research fellow Dr. Guido David, umabot na sa 10.4% ang positivity rate sa Metro Manila nitong Huwebes, July 7 mula sa 8.3% noong Sabado, July 2.
Naitala rin sa ilang probinsya ang pagtaas ng positivity rate na lampas sa 10%.
Ilan sa mga lugar na ito ang Antique na nakapagtala ng 18.9%, Batangas na may 10.5%, Capiz na may 17.8%, Cavite na may 16.2%, Iloilo na nakapagtala ng 10.9%, Laguna na may 16.2%, Pampanga na may 16.1% at Rizal nakapagtala ng 15.7 percent positivity rate.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga nagpa-test o nasuri.
Nabatid na umabot na sa 12,528 ang active COVID-19 cases ng bansa kahapon na pinakamataas na tally simula noong April 2022.