Inanunsiyo ng Tokyo-based news magazine na Nikkei Asia na umakyat na sa ika-33 rank ang COVID-19 recovery index ng Pilipinas ngayong buwan.
Ayon kay Acting presidential spokesperson Martin Andanar, ito ay isang magandang patunay na naging maayos ang pagtugon ng Administrasyong Duterte sa COVID-19 pandemic.
Matatandaang noong may 2021, nasa ika-57 rank ang Pilipinas bunsod ng pagsirit ng kaso ng COVID-19 at pagsulputan ng mga subvariant ng COVID-19 dahilan para higpitan ang restriksiyon ng bansa.
Nabatid na ang Pilipinas ngayon ang pinaka mataas sa COVID-19 recovery sa 88 bansa sa listahan kabilang na ang Switzerland na nasa ika-38; Israel na nasa ika-44; Japan na nasa ika-53; United Kingdom na nasa ika-58; Canada na nasa ika-60; Australia at Hong Kong na nasa ika-71; New Zealand na nasa ika-75; Singapore na nasa ika-79; United States na nasa ika-89 at China na nasa ika-93.
Ipinagmalaki ni Andanar ang naging diskarte ng Pilipinas sa mahigpit na pagpapatupad ng gobyerno sa minimum health protocols maging ang pagpapalakas sa pagbabakuna.
Sa ngayon, mahigpit paring binabantayan ng mga ahensya ng gobyerno ang paglitaw ng mga bagong variant ng COVID-19 kasabay ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa.