Bumaba ang reproduction number ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR).
Ito ay ayon sa OCTA Research kung saan, mula sa 1.99 reproduction rate ng virus ay bumaba ito sa 1.91 nitong Miyerkules.
Sa kabila nito, ayon sa grupo, ay masyado pang maaga para sabihing senyales ito ng pagsisimula ng downward trend o pagbaba ng pagdami ng kaso ng virus sa NCR, lalo’t isinailalim ito sa sa general community quarantine (GCQ) kabilang ang mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.
Base rin sa pagtaya ng OCTA Reseach, posibleng magkaroon ng pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at mga nabanggit na lalawigan, isang buwan pa matapos ang pag-iral ng NCR Plus bubble.
Samantala, sinimulang ipatupad ang NCR Plus bubble noong ika-22 ng Marso at nakatakdang magtagal hanggang ika-4 ng Abril ngayong taon.