Naniniwala si outgoing Health Secretary Francisco Duque III na tila na-contain na ang COVID-19 sa bansa kahit posible pa ring magkaroon ng mga panibagong pagsipa ng kaso.
Ito’y makaraang ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na na-contain na ng administrasyon ang virus sa loob lamang ng maikling panahon.
Gayunman, iginiit ni Duque na hindi pa rin dapat magpaka-kampante ang publiko lalo’t may iba pang variant na nadidiskubre.
Dapat anyang magpakatotoo at huwag labis na umasang tuluyang mawawala ang COVID-19 dahil tiyak na mananatili ito.
Samantala, umaasa naman si Duque na pag-aaralang mabuti ng susunod na administrasyon ang COVID-19 trends sakali mang may plano itong alisin na ang state of public health emergency sa bansa na magtatapos sa Setyembre.