Nananatiling nasa moderate risk sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR) bagama’t bumaba na ng 15% ang mga bagong kaso kumpara noong nakaraang linggo.
Ayon sa OCTA Research, ang Metro Manila ay kasalukuyang may 7-day average na 1,055 na kaso o Average Daily Attack Rate (ADAR) na 7.32 sa bawat 100,000 na indibidwal.
Sinabi ni OCTA Research Fellow Guido David na ang one week growth rate ng mga bagong kaso sa rehiyon ay nasa -15% noong August 21 kumpara sa -1% noong August 14.
Kaugnay nito, bumaba rin ang reproduction number sa rehiyon sa 1.03 noong August 18 mula sa 1.11 noong August 11
Ganoon din ang positivity rate sa NCR na bumaba sa 14.6% noong August 20 mula 16.3% noong August 13.
Sinabi rin ni David na nasa 37% ang healthcare utilization habang ang occupancy rate naman ay nasa 30%.
Samantala, nakapagtala ang Pilipinas ng 3,855,804 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 35,271 ang aktibong kaso at 3,759,176 ang nakarekober. – sa panulat ni Hannah Oledan