Nasira ang nag-iisang coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing machine ng Department of Health – Albay bunsod ng pananalasa ng bagyong Ambo.
Ayon kay DOH Bicol Regional Director Ernie Vera, nagtamo ng pinsala ang exhaust duct ng biosafety cabinet ng Bicol regional diagnostic and reference laboratory.
Dahil dito, pansamantalang hindi makapagpoproseso ang laboratoryo ng mga samples na isasalang para sa COVID-19.
Dagdag ni Vera, dadalhin na lamang sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City ang nalalabing mahigit 100 samples na hindi pa naisasalang sa COVID-19 test.
Tiniyak naman ni Vera na patuloy ang paghahanap nila ng paraan para mabilis na maayos ang nasirang COVID-19 machine at hindi na maantala pa ang isinasagawang testing sa Albay.