Mas mabilis nang makapagpapa-RT PCR o swab test ang mga residente sa lungsod ng Taguig gamit lamang ang trace app.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, layon nitong mapadali ang paghahatid ng naturang serbisyo sa kanilang nasasakupan.
Libre ang alok na COVID-19 testing ng lokal na pamahalaan sa 31 health centers sa lungsod, drive-thru testing sa Lakeshore at BGC, Park N’ Test sa parking ng Vista Mall, Mobile Testing Truck at sa Taguig Mega Swabbing Facility sa CP Tinga Elementary School.
Kailangan lamang na buksan ng mga residente ang kanilang account sa trace app at hanapin ang “smart testing swab testing appointment” tab at sagutan ang mga katanungan.
Maaaring pumili ng petsa, lugar at oras kung kailan magpapa-swab test at hintayin lamang ang confirmation text na ipapadala sa numerong nakarehistro sa naturang app.
Ang Taguig ang nangungunang siyudad sa NCR na may pinaka maraming naisagawang COVID-19 testing kung saan hanggang nitong Oktubre 30, ay umabot na sa 221,347 RT-PCR tests ang naisagawa sa lungsod. —sa panulat ni Hya Ludivico