Walang maaasahang malaking pagbabago sa trend ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) hangga’t hindi nababakunahan ang 30% hanggang 50% ng populasyon ng bansa.
Binigyang diin ito ni Professor Ranjit Rye, fellow ng OCTA Research group, dahil masyado pang maliit ang bilang ng mga nababakunahan para makaapekto sa kaso ng COVID-19 sa bansa.
Samantala, hinimok ni Rye ang gobyerno na talasan ang mata sa vaccination rollout ng gobyerno lalo sa pagbabakuna sa mga nasa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan kung saan mataas ang kaso ng COVID-19.
Kung tututukan lamang ng gobyerno ang naunang plano, sinabi ni Rye na asahan na ang magandang balita sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre at kung higit pang magkakapit-bisig ang lahat, hindi na aniya malayo ang isang magandang Pasko para sa mga Pilipino.
Una nang iniulat ng Department of Health (DOH) na hanggang nitong ika8 ng Hunyo, nasa 1.6-milyon pa lamang o halos 4% ng populasyon ang nakatatanggap ng kumpletong dose ng COVID-19 vaccine.