Plano ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ilabas sa susunod na buwan ang digital COVID-19 vaccination certificates.
Ayon kay DICT Undersecretary Emmanuel Caintic, ang mga Certificate ay alinsunod sa pamantayan ng World Health Organization at kikilalanin sa ibang bansa.
Magbubukas anya ang kagawaran ng online portal kung saan maaaring ilagay ng publiko ang kanilang vaccination details.
Kapag nagtugma ang vaccination details na ibinigay ng isang indibiduwal sa impormasyon sa database ng gobyerno, agad maipalalabas ang inoculation certificate.
Kasalukuyang nasa ikatlong linggo na ang lokal na pamahalaan sa pagsasanay kung paano tulungan ang kanilang mga constituent na mayroong mga tanong at problema hinggil sa vaccine certificate.—sa panulat ni Drew Nacino