Ganap nang batas ang panukalang naglalayong magtatag ng indemnity fund o bayad-pinsala sakaling magkaroon ng negatibong epekto ang bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga Pilipino na matuturukan nito.
Ito’y makaraang i-anunsiyo ni Presidential spokesman Harry Roque na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 na inaasahang maglalaan ng P500 milyon na indemnity fund at pamamahalaan ng PhilHealth.
Matatandaang naudlot ang delivery ng 117,000 doses ng Pfizer vaccine dahil sa kawalan ng indemnity deal.
Isinusulong din ng gobyerno ang supply agreements sa pitong vaccine makers para sa 148 million doses ng bakuna na sinasabing sapat para sa 70 million adults o mayorya ng 108 milyong populasyon ng Pilipinas.