Inaasahang bubuti pa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine rollout ng Pilipinas pagsapit ng Hunyo.
Ito’y ayon kay Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion dahil aniya sa inaasahang pagdating ng milyun-milyong bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Una na aniyang nakumpirma ang pagdating ng 1.5 million doses ng bakuna ng AstraZeneca sa unang linggo ng Hunyo.
Dahil dito, inaasahan na makukumpleto na ang 17-million doses na kanilang inorder sa AstraZeneca sa bago matapos ang 2021 hanggang Pebrero ng taong 2022.
Darating din umano ang 100,000 doses ng Moderna vaccine sa unang linggo ng Hunyo habang sa Agosto hanggang Setyembre inaasahang darating ang Novavax vaccines.
Sinabi ni Concepcion na nakatakda rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Bharat Biotech para makabili ng kanilang COVID-19 vaccine na Covaxin na posibleng dumating sa Hunyo.
Ani Concepcion, sa pagdating ng mga bakunang ito sa bansa, inaasahang marami na rin ang mababakunahang Pilipino.